Nagdesisyon ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na pigilin ang paglalabas ng 150,000 metric tons ng imported sugar upang patatagin ang farmgate price ng raw sugar.
Sa inilabas na resolusyon ng SRA noong Setyembre 26, sinabi ng ahensiya na bilang suporta sa lokal na industriya ng asukal, kailangang ihinto ang lahat ng application of conversion at panatilihin ang classification ng mga imported sugar bilang “reserved.”
Ang nasabing dami ng asukal ay inangkat sa ilalim ng Sugar Order no.7 series of 2022 -2023 na inaasahang darating sa bansa bago matapos ang September 15.
Sa ilalim ng naturang order, ang lahat ng mga importers ay tinaningan na i-distribute ang kanilang mga stocks hanggang October 15,2023. Gayunman, sa inilabas na Resolution No. 2023-159 ng SRA, inalis ang deadline ng mga importers sa pag-apply para sa reclassification ng kanilang reserved sugar stocks upang maprotektahan ang interest ng mga magsasaka at millers.
Ito ay para mapanatili rin ang farmgate price ng asukal na P3,000 kada bag.
Batay sa pagsusuri ng SRA, nanatili ang retail price ng asukal sa bansa habang ang average price ng raw sugar ay bumaba mula P2,500 hanggang P2750 kada bag sa loob ng unang dalawang linggo ng crop year 2023-2024 at patuloy na bumababa dahil sa dami ng supply.
Ulat ni Baronesa Reyes