Isinapubliko na ng Philippine National Police (PNP) Forensic Group ang resulta ng autopsy at histopathology report ng 14-anyos na grade 5 student na nasawi ilang araw matapos sampalin ng kanyang guro sa Antipolo City.
Batay sa ulat, ang pamamaga ng utak at pagdurugo ng utak ang naging sanhi ng pagkamatay ng biktimang si Francis Jay Gumikib, estudyante ng Penafrancia Elementary School sa Antipolo City.
Bagamat may resulta na ang mga pagsusuri ay naging maingat ang mga opisyal ng PNP forensic group sa paglalabas ng opinsyon at konklusyon sa kaso nag pagkasawi ng biktima.
Anila, kailangan muna nilang makausap ang pamilya ng biktima para mabigyang linaw ang nangyari sa kanilang anak.
Paliwanag ni Brig. Gen. Constancio Chinayog, hepe ng PNP Forensic Group, intracerebral edema o ang pamamaga ng utak at intracerebral hemorrhage o pagdurugo ng utak ang naging sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Sa panig naman ni Lt. Col. Maria Anna Lissa dela Cruz ng Rizal Provincial Unit Medico legal officer, non-traumatic ang nature ng pagputok ng ugat at isang rare condition subalit madalas na dahilan ito ng pagkakaroon ng intra cerebral hemorrhage .
“Sinabi natin na non-traumatic ang nature ng pagputok ng ugat na yun is mostly it’s a rare condition but it’s the most common cause of intracerebral hemorrhage considering the age group of our patient,” pahayag ni dela Cruz.
Ayon sa mga eksperto karaniwang nangyayari ang ganitong kondisyon sa mga batang edad 1-18 anyos at hindi pa malinaw sa ngayon kung ano ang sanhi nito. Hindi rin direktang sinagot ng Forensic Group ang tanong kung posible bang ang ginawang pananampal ng guro sa bata ay maaring mauwi sa pamamaga at pagdurugo ng utak nito.
“Well sampal, wala kasing definite na force. may sampal na malumanay, may sampal na malakas. we don’t know yet that. that’s I think part of the investigation, iniimbestigahan ng territorial police so ang sa atin lang dito is yung technical findings doon sa result ng autopsy,” pahayag ni Chinayog.
Matatandaang noong September 21 ay sinampal umano ng gurong si Mirasol Quizon ang biktima na kanyang ininda at idinaing sa kanyang mga magulang. September 26 nang mahilo at magsuka ang biktima kung kaya’t dinala siya sa ospital kung saan siya na-confined ng anim na araw hanggang sa bawian siya ng buhay noong October 2.
Ulat ni Baronesa Reyes