Tatlumput-walong Pinoy na nasa Israel ang humiling sa Department of Foreign Affairs (DFA) na mapauwi sa Pilipinas sa gitna ng pag-atake ng Palestinian militant group na Hamas .
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega, siyam na pamilya na binubuo ng 30 katao mula Gaza ang humingi ng tulong para makabalik sa bansa.
Inamin ng opisyal na kumplikado ang magiging proseso ng repatriation dahil na rin sa sitwasyon sa Gaza.
Gayunman, tiniyak ni de Vega na kumikilos na ang Embahada ng Pilipinas sa Tel-Aviv , Cairo, at Amman para sa repatriation ng mga Pinoy mula sa Gaza.
Batay sa ulat ng embahada ng Pilipinas sa Amman, Jordan, siyam na pamilya na binubuo ng 38 Filipino nationals at 11 palestinians na asawa ng mga Pinoy ang nais nang umuwi sa bansa.
Sa ngayon aniya, patuloy nilang pinapaalalahanan ang mga Pinoy sa Israel na manatili sa loob ng kanilang tahanan o sa mga bomb shelters upang maging ligtas sa gitna ng bakbakan.
Sa tala ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ngayong Martes, dalawang Pinoy na ang nasugatan sa gitna ng kaguluhan.
Sinabi ni OWWA Administrator Arnell Ignacio, isa sa mga nasugatan ay dinala sa Health Liaison Office (HLO), habang ang isa ay nahirapang huminga at nanatili sa isang hotel sa Tel Aviv.
Sa ngayon, aniya, ay mayroong pitong Pinoy pa ang nawawala subalit hindi tumitigil ang pamahalaan na hanapin ang mga ito . “But we’re working 24/7 to account for our kababayans. Ang atin pong DFA, DMW, at meron naman tayong nakatalagang tao na nandiyan sa Israel, and of course ang (Israel Defense Forces), tinutulungan po tayo,” pahayag ni Ignacio.
Nitong Lunes, iniulat ng DFA na mayroong isang Pinoy ang umano’y dinukot ng Hamas habang anim ang nawawala.
Ulat ni Baronesa Reyes