Ipinagutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTR) na suspendihin si Teofilo Guadiz III bilang chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos lumatad ang isang dati nitong tauhan at nagbulgar ng malakawang katiwalian sa ahensiya.
“The President does not tolerate any misconduct in his administration and has instructed the immediate investigation of this matter. He strongly condemns dishonesty and duplicity in public service,” pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) sa social media.
Ang kautusan ng Punong Ehekutibo ay bilang reaksiyon sa isiniwalat ni Jeffrey Tumbado, dating executive assistance ni Guadiz sa LTFRB, na nagsabing maraming opisyal ng ahensiya ang sangkot sa milyung pisong halaga ng “lagayan” kung saan ang ginagawang gatasan ay mga transport groups.
Sa punong balitaan na inorganisa ng grupong Manibela noong Lunes, Oktubre 9, ibinulgar ni Tumbado na may mga opisyal sa Malacanang na umano’y nakikinabang sa malawakang korapsiyon na nangyayari sa LTFRB.
“I cannot divulge names. Until such time,” naging pahayag ni Tumbado base sa payo ng kanyang abogado bago nila isampa ang karampatang kaso sa Office of the Ombudsman laban sa mga sangkot sa lagayan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Nang tanungin ng media kung paano niya na sisiguro na taga-Malacanang ang sangkot sa katiwalian, ang sagot ni Tubado: “Pakisyo sa akin na kay ganito pupunta ang pera. Asikasuhin mo. Ayun hanggang sa naging regular (ang lagayan). Araw-araw ako ang nilalapitan. Ako ang binubulungan.”
Samantala, sinegundahan ni Mar Valbuena, presidente ng Manibela transport group, ang mga ibinunyag ng whistleblower na si Tumbada dahil dama nila ang matinding epekto ng katiwalian ng LTFRB sa kanilang kabuhayan.
“Saan kami pupunta ngayon, na kami na walang kakayahan kapag nagpapasok ka saming ruta ng mga bagong players. Sasagasaan mo. Ang hirap na nga ng biyahe ngayon, dadagdagan mo pa kami,” pahayag ni Valbuena.
Bilang pagsuporta sa ginawang expose ni Tumbada, tiniyak ni Valbuena na nagsasabi ng totoo ang dating executive assistant ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Teofilo Guadiz III na nagsiwalat kung gaano kalawak ang katiwalian sa LTFRB.
“Originally, ang programa 2017-011 yun Omnibus Franchising Guidelines, kaming mga existing stakeholders lang ang bumibiyahe ang dapat gumagamit sa rutang ito at wala dapat papapasukin. Pagmalakas yun ruta, welcome lahat maglagay,” giit ni Valbuena.