Limang Pinoy ang iniulat na “unaccounted for” sa gitna ng pag-atake ng Palestinian militant group na Hamas sa Israel na nasgimula nitong nakalipas na Sabado, Oktubre 7.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Israel Pedro Laylo Jr. unang iniulat na pito ang nawawalang Pinoy subalit kalaunan ay nakita na ang dalawa kung kaya’t lima na lamang ang pinaghahanap pa.
“Actually, lima na lang (ang unaccounted), ‘yung dalawa bale noong nag-clearing operations ‘yung IDF (Israel Defense Forces) may dalawa na nakita sila,” pahayag ni Laylo.
Nakita aniya ang dalawa na nagtatago sa isa sa mga safehouse sa lugar.
Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa kanilang counterparts sa Israel upang matiyak ang kaligtasan ng mga Filipinos sa lugar .
Sa hiwalay na ulat, sinabi naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega na patuloy pa nilang bini-verify ang impormasyon na ibinahagi sa kanila ng Israel –based overseas Filipino workers (OFW) na walong Pinoy ang nawawala sa gitna ng kaguluhan.
Ang impormasyon aniya tungkol sa mga nawawalang Pinoy ay naka-post sa sa Facebook community page ng mga OFWs.
Matatandaan na nitong Sabado ay inatake ng Hamas ang Israel at pinalibutan ng kanilang armadong tauhan ang karamihan sa mga bayan nito. Sa ngayon, umabot na sa 250 Israeli ang nasawi, 1,600 ang casualties, 100 ang nadukot.
Idineklara na rin ang state of war alert sa bansa ng Israel’s Home Front Command nang pumutok ang kaguluhan.
Ulat ni Baronesa Reyes