Ibabalik ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Libreng Sakay program ng ahensiya bilang maagang pamasko sa publiko.
“Itong buwan na ito ilalabas namin ang pera. Ibabalik po natin ang Libreng Sakay. Uunahin po natin ang Metro Manila, kasama po ang mga jeepneys,” pahayag ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III.
Target ng ahensiya na maibalik ang programa sa buwan ng November o December.
Paliwanag ng LTFRB tapos na ang joint memorandum circular para sa P1.3 bilyong pondo na siyang gagamitin sa programa.
“Iyong P1.3 billion tapos na po iyong joint memorandum circular. Ibaba na po ang pera. Alam mo ang hinahabol namin doon November-December para maagang pamaskong handog ng LTFRB,” dagdag ni Guadiz.
Sakop ng programa ang government’s free ridership program at kabilang sa mga magbibigay ng libreng sakay ang mga bus at jeep na dadaan hindi lamang sa EDSA kundi sa iba pang mga pangunahing lansangan sa National Capital Region (NCR).
Ulat ni Baronesa Reyes