Pinawalang-sala ng Malolos City Regional Trial Court (RTC) si retired Army Maj. Gen. Jovito Palparan Jr. sa kasong kidnapping at serious illegal detention na inihain ng dalawang magsasaka na tumestigo sa misteryosong pagkawala ng mga aktibistang estudyante na sina Sherlyn Capadan at Karen Empeno noong 2006.
Sinabi ng magkapatid na sina Raymond at Reynaldo Manalo na sila ay pinahirapan ng grupo ni Palparan nang sila ay dukutin umano ng mga sundalo mula sa kanilang bahay sa San Ildefonso, Bulacan noong Pebrero 14, 2006.
Ang dalawang magsasaka, na inakusahan na miyembro ng New People’s Army (NPA), ay nakatakas sa kustodiya ng militar noong 2007.
Si Palparan ay hinatulan noong Setyembre 2018 ng korte na makulong ng 40 taon sa kasong two counts of kidnapping and serious illegal detention dahil sa pagkawala nila Capadan at Empeno. Ang retired Army official ay kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City habang tinatapos ang kanyang sintensiya.
Ang kasong kriminal laban kay Palparan hinggil sa pagkawala nila Capadan at Empeno ay inihain noong Disyembre 2011 kaya nagtangka ang heneral na pumuslit mula sa Pinas subalit ito ay naaresto bago pa man makasakay ng eroplano. Ngunit nakatakas si Palparan at nagtago sa awtoridad hanggang muling maaresto ito sa kanyang hideout sa Sta. Mesa, Manila noong Agosto 2014.
Unang iginiit ni Raymond Manalo sa korte na nakita niya sina Capadan at Empeno sa isang military detention facility kung saan din ikinulong silang magkapatid ng grupo ni Palparan bago pa man parehong naglaho na mistulang bula sila Capadan at Empeno.
Ikinadismaya naman ng mga Manalo ang pagpapawalang sala ng Malolos RTC Branch 19 kay Palparan na ibinaba ni Judge Francisco Felizmenio.