Sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Commodore Jay Tarriela na walang kinalaman ang Chinese vessels sa nangyaring banggaan sa pagitan ng Pinoy fishing boat FFB Dearyn at foreign oil tanker malapit sa Scarborough Shoal kamakailan.
“As far as the initial information that we have right now, we can say na hindi naman ito talaga deliberate,” pahayag ni Tarriela sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing.
“Ito ay isang aksidente. Walang kinalaman sa Tsina,” dagdag ng opisyal.
Pinagbasehan ng PCG ang salaysay ng mga survivors sa trahedya na nagsabing madalim sa lugar at masama ang panahon nang mabangga ng dambuhalang tanker ang kanilang bangka. Tatlong mangingisda ang nasawi sa insidente.
Ani Tarriela, hindi rin bahagi ng Bajo de Masinloc ang pinangyarihan ng trahedya ngunit sa nautical highway kung saan dumaraan ang malalaking commercial vessels.
Sa kabila nito, patuloy na beberipikahin pa rin ng PCG ang impormasyon natanggal nila hinggil sa trahedya, kasama na ang pakikipagugnayan sa mga maritime authorities sa Marshall Islands kung saan pinaniniwalaang nagtungo ang tanker matapos ang insidente.