Aabot sa bilyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) sa Manila International Container Port (MICP) na nasa lungsod ng Maynila.
Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office (PIO) Chief Police Colonel Jean Fajardo.
Ayon kay Fajardo, ikinasa ang operasyon matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad kaugnay ng paparating na shipment mula sa Mexico na naglalaman ng illegal drugs.
Patuloy pa ang isinasagawang imbentaryo ng mga awtoridad sa mga nasabat na droga.
Gayunman, sa inisyal na impormasyon mula sa mapapagkatiwalaang source, aabot sa 100 kahon na ang nabuksan ng mga awtoridad na naglalaman ng 700 kilo ng shabu.
Lumalabas din na ang packaging ng bawat droga ay may kasamang karne ng baka.
Napag-alaman pa na ang impormasyon hinggil sa naturang shipment ay natanggap ng PDEG nitong mga nakalipas na linggo.
“Around weekend ay nakareceive ang PDEG ng information ng possible arrival ng isang shipment coming from Mexico. So , they shared this intelligence report sa Customs and true enough nag match yung control number nung ship at kanina nga ay nagsagawa ng inspection at nung buksan ay meron pong illegal drugs na laman. “ pahayag ni Fajardo.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
Ulat ni Baronesa Reyes