Hindi naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema kaugnay ng kontrobersiyal na Maharlika Investment Fund (MIF).
Sa halip, ipinag-utos ng Kataas-taasang Hukuman sa mga petitioner at respondents
magsumite ng kani-kanilang mga komento hinggil sa pagbasura sa petisyon.
Ayon sa ulat, batay sa en banc ruling, binibigyan ng Korte Suprema ng 10 araw sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Finance Secretary Benjamin Diokno, ang Kamara at Senado ng kanilang komento hinggil sa petisyon nina Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, at dating Bayan Muna Representatives Carlos Zarate at Ferdinand Gaite, na kumukuwestiyon sa constitutionality ng MIF.
Kinuwestiyon din sa nasabing petisyon ang pag-certify ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang “urgent” sa House Bill 6608 na lumilikha sa MIF. Anila, batay sa 1987 Philippine Constitution, maaari lamang i-certify na “urgent” ang isang panukalang batas kung may kalamidad o panahon ng emergency.
Ayon sa petitioners, wala namang kalamidad o emergency nang sertipikahan ng Pangulo ang HB 6608 na pinaspasan ng Kamara para maipasa nang isang araw noong Disyembre 15, 2022.
Inakusahan din ng grupo ni Pimentel ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ng paglabag sa “no amendment rule,” na nakasaad sa 1987 Constitution, nang amyendahan ng mga ito ang mga probisyon ng Maharlika Investment law, na iba sa bersiyon ng panukalang batas na ipinasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa ng dalawang kapulungan.