Naglabas na ng warrant of arrest ang Navotas City Regional Trial Court (RTC) laban sa anim na pulis na sangkot sa pagpatay kay Jemboy Baltazar.
Kabilang sa mga pinapaaresto sina E/MSgt. Roberto Balais Jr., SSgt. Gerry Maliban, SSgt. Antonio Bugayong, SSgt. Nikko Esquilon, Cpl. Edmark Jake Blanco, at Patrolman Benedict Mangada.
Ang warrant of arrest ay inilabas ng Navotas City RTC Branch 286 matapos na mapatunayan na may probable cause para arestuhin ang mga pulis.
“After evaluating the Resolution of the City Prosecutor and the supporting evidence i.e. Joint Sworn Statement of PCPT Mark Joseph U. Carpio & PCPT Luisito M. Dela Cruz, Certificate of Death, Autopsy Report, Firearms Identification Report and the Property Acknowledgment Report, among others, the Court finds probable cause to issue a warrant of arrest against all the above-named accused to place them under the custody of the law in order not to frustrate the ends of justice,” nakasaad sa court order.
Ang anim na pulis ay nahaharap sa kasong murder kung saan hindi sila maaring magpiyansa kapalit ng kanilang pansamantalang kalayaan.
Matatandaang si Baltazar ay nasawi nitong August 2, makaraang pagbabarilin ng mga tauhan ng Navotas Police matapos na mapagkamalang murder suspect sa Barangay NBBS Kaunlaran.
Walong pulis kasama ang anim na pinapaaresto ng korte ang una nang sinibak sa serbisyo kaugnay ng insidente.
Sa salaysay ng kaibigan ni Baltazar, inaayos sana nila ng biktima ang kanilang bangka upang mangisda nang dumating ang mga pulis at inutusan silang bumaba.
Sinubukan umano nilang sumuko subalit pinagbabaril sila kaya’t tumalon sa tubig si Baltazar habang patuloy ang pamamaril. Sa gitna ng imbestigasyon sa kaso, inamin ng mga pulis na ang insidente ay isang kaso ng “mistaken identity”.
Ulat ni Baronesa Reyes