Viral ang mga larawan ng isang guro na si Rosalyn Doma nag-aalaga sa anak ng kanyang estudyante habang nagtuturo siya sa klase.
Ayon sa ulat ng “Unang Balita” nitong Martes, Oktubre 3, dinala ng 19-anyos na estudyante sa Allen National High School sa Northern Samar ang kanyang isang taong gulang na sanggol sa klase dahil walang ibang mag-aalaga.
“Before mag-end ang aming klase, may activity akong pinagawa sa kanila. By that time naman, nakatulog na pala ‘yung baby. Kalong kalong ng nanay,” ibinahagi ni Rosalyn.
Nang makita niyang nahihirapan ang kanyang estudyante sa seatwork habang hawak ang sanggol, inalok ni Rosalyn na buhatin ang sanggol.
“Nahihirapan kasi si ma’am na nahihirapan ako gumawa ng activity,” sinabi ng estudyante na ina ng sanggol.
“Nararamdaman ko po ‘yung malasakit ni Ma’am Rosalyn sa anak ko at sa akin,” dagdag pa niya.
Mas marami sa mga estudyante ni Rosalyn ang nagsabi sa mga video message na pinahahalagahan nila siya, at ipinagmamalaki dahil hindi siya nagdalawang isip na tumulong sa kanilang kaklase.
“Marami talagang na-proud at na-touch sa ‘min sa classroom dahil po sa ginawa ni ma’am,” ayon sa estudyante.
Si Rosalyn ay isang ina rin, at naiintindihan niya ang mga hamon ng kanyang mga estudyante. Idinagdag niya na hinahangaan niya ang kanyang estudyante sa pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral sa kabila ng mga hadlang.
“Sana bigyan nila ng halaga ang pagpupursigi na makapag-aral, makapagtapos ng pag-aaral, sapagkat ito ang magiging pundasyon nila para sa kanilang magandang kinabukasan,” ani ni Rosalyn.