Pinuri ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang pagpasa ng Kongreso sa panukalang National Children’s Nutrition Act na nakatakda nang isumite kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para lagdaan.

“Sa pagpapalawak ng feeding program na ito, hindi lang natin pinupunan ang kagutuman sa classroom, binibigyan natin ang ating mga mag-aaral ng lakas at kakayahan para makahabol, matuto, at magkaroon ng magandang bukas,” ani Angara.

Sa sandaling maisabatas, palalawakin ng panukala ang school feeding program upang masaklaw ang lahat ng Kindergarten hanggang Grade 3 public school learners.

Magbibigay rin ito ng targeted support para sa mga Grade 4 hanggang Grade 6 learners na kulang sa nutrisyon.

Sakop din ng programa ang mga buntis na kabataang estudyante sa mga kalahok na paaralan.

Maaari rin umanong palawakin ng DepEd ang saklaw upang isama ang mga vulnerable, undernourished, o indigenous peoples na mag-aaral sa ilalim ng voucher system, pati na ang mga nasa self-contained classes o Alternative Learning System (ALS).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *