Nagpahayag ng kahandaang magbigay ng ₱170,000 si Senate Minority Floor Leader Alan Peter Cayetano bilang kontribusyon sa pagbabayad ng national debt ng Pilipinas, kung magkakaroon ng mekanismong magpapahintulot sa naturang donasyon.
“I’ll bring myself and try to bring a few people to pay our P170,000. Hopefully create a movement of people who want us to be debt free,” ani Cayetano sa 2027 national budget deliberation ng Senado ngayong Martes, Nobyembre 24.
Binigyang-diin ni Cayetano na batay sa ₱19.66-trillion na utang ng bansa noong ikatlong quarter ng 2026, katumbas umano ng ₱170,598.03 ang utang ng bawat Pilipino.
Tinanong niya ang economic team ng administrasyong Marcos kung saan maaaring magtungo ang mga nais magbayad ng kanilang bahagi sa utang ng bansa.
Sinabi naman ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na wala pang mekanismo para rito at ang pinakamainam na kontribusyon sa ngayon ay ang pagbabayad ng tamang buwis.
Gayunman, iginiit ni Cayetano na handa siyang magbigay nang higit pa sa pagbabayad ng buwis at umaasang makakahikayat pa ito ng ibang Pilipinong nais tumulong upang mabawasan ang utang ng bansa.
