Namatay ang isang Grade 5 pupil matapos umanong mapuruhan nang sampalin ng kanyang guro sa Antipolo City.
Ayon sa ulat ng TeleRadyo Serbisyo ngayong Martes, Oktubre 3, sinampal umano ng hindi pinangalanang guro ng Peñafrancia Elementary School sa Spring Valley IV, Barangay Cupang, Antipolo City, ang Grade 5 student, na nakilalang si Francis Jay Gumikib, na naging sanhi ng brain hemorrhage nito.
Sa panayam sa ina ng bata na si Elena Minggoy, nagsumbong ang kanyang anak na sinampal siya ng kanilang guro dahil nag-iingay siya.
Ayon kay Minggoy, sinabi ng kanyang anak na hindi naman ito kasama sa maiingay dahil nasa kalagitnaan ito ng pagsusulit. Sa kasawiang-palad, ang anak niya ang napagdiskitahan ng guro.
“Noong binalikan siya ni teacher, hinatak siya sa kuwelyo ng uniform tapos sinabunutan po. Pagkatapos ng sabunot, sinampal po siya,” kuwento ni Minggoy.
Matapos sampalin, nakaramdam ng pananakit ng tainga ang bata at saka medyo nabingi. Nakapasok pa diumano ang kanyang anak sa eskwela ng tatlong araw bago nakaramdam ito ng pagsusuka, pananakit ng ulo at mga mata.
Nagpadala ang bata sa Amang Rodriguez Medical Center kung saan na-comatose ito bago tuluyang binawian ng buhay.
Batay sa assessment ng doktor, maaaring brain hemorrhage o pagdurugo sa utak ang sanhi ng pagkamatay ng bata. Hindi naman makapagsagawa ng autopsy sa bata dahil walang perang pambayad ang kanyang ina.
Samantala, inihahanda na ng Antipolo Police ang kasong homicide at paglabag sa RA 7610 o Anti-Child Abuse Law laban sa guro.