Inaprubahan na ngayong Martes, Oktubre 3, ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P1.00 provisional increase sa mga traditional at modern jeepneys sa bansa.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, aprubado na ang P1.00 provisional increase sa isinagawang pagdinig sa kanilang tanggapan kung saan dumalo rin ang mga lider ng transport groups, commuter rights advocates at iba pang stakeholders.
Magiging epektibo ang taas pasahe ala-1:00 ng madaling araw ng Oktubre 8. “Piso lang po at provisional lang po hanggang hindi pa nagiging steady ang price ng gasolina,” ayon sa opisyal.
Binigyang diin ni Guadiz na ang unang apat na kilometro na biyahe ang saklaw ng P1.00 provisional fare hike para sa mga public utility jeepneys (PUJs) at hindi ang mga susunod na kilometro. Ang bagong jeepney fare rate ay ipapatupad sa buong bansa.
Samantala, sa susunod na buwan pa didinggin ng LTFRB ang petisyon para sa P5 dagdag sa minimum fare sa jeepney na hirit ng grupong Pasang Masda at ALTODAP.