Gustong buhayin ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ang parusang kamatayan matapos ang pagkakasabat ng mahigit ₱3.6 bilyong halaga ng hinihinalang shabu sa Subic, Zambales, kamakailan.
Sa naging panayam kay Barbers ng ANC, sinabi nitong 11th Congress pa lamang, inihahain na niya ang pagbabalik sa parusang kamatayan na ipapataw sa mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen gaya ng drug trafficking, murder, at iba pa.
Paliwanag ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, maaaring mabawasan ng parusang kamatayan ang paglabas-masok ng ilegal na droga sa bansa.
Matatandaang nakasabat noong isang buwan ang mga awtoridad ng ₱3.6 bilyong halaga ng shabu na papasok sana sa Subic port subalit nauwi sa isang bodega sa Pampanga. Nakalagay sa sinasabing kahon ng dog food at chicharon ang sinasabing ilegal na droga at pinaghihinalaang galing sa ibang bansa dahil may nakasulat na Thai markings sa ibabaw ng package.
Gayunman, aminado si Barbers na isa lamang ang bitay sa mga instrumento para tuluyang masugpo ang pagpasok ng ilegal na droga sa Pilipinas.
Taong 2006 nang tuluyang ihinto ang parusang kamatayan, sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.