(Photo courtesy of BFP)
Labing tatlong pangunahing lansangan sa Northern Luzon ang isinara sa mga bumibiyaheng sasakyan bunsod ng hagupit ng Super Typhoon #EgayPH.
Ayon sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa regular media briefing ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, Quezon City, ngayong Miyerkules, Hulyo 26, karamihan sa mga isinarang kalsada ay naapektuhan ng pagguho ng lupa, ng nagbagsakang puno, o ng pagbaha na maaaring maging delikado para sa mga biyahero.
Kabilang sa mga road network na idineklarang “closed” o “impassable” ay ang mga sumusunod:
- Abra-Ilocos Norte Road
- Abra-Ilocos Sur Road
- Abra-Kalinga Road
- Baguio-Bontoc Road
- Mt. Province-Nueva Vizcaya Road
- Mt. Province-Ilocos Sur via Tue Road
- Mt. Province-Cagayan via Tabuk-Enrile Road
- Claveria-Calanasan-Kabugao Road (Apayao)
- Apayao-Ilocos Norte Road
- Shilan-Beckel Road (La Trinidad, Benguet)
- Kennon Road (Camp 6, Tuba, Benguet)
Tiniyak naman ng DPWH na nakapuwesto na ang mga tauhan at heavy equipment nito upang magsagawa ng road clearing at rehabilitation operations upang hindi maantala ang pagbiyahe ng mga motorista, lalo na ang mga cargo trucks na may kargang basic commodities para sa malalayong lugar.