Dapat ding ilaan ang bahagi ng reallocated confidential and intelligence fund (CIF) mula sa 10 ahensya ng gobyerno sa serbisyong panlipunan, ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman.
“Ako ay hindi tumututol sa pag-reallocate sa mga agencies na nagpo-protect ng Philippine interests sa West Philippine Sea (WPS). Pero wag masyadong marami, sapagkat the funds should be reallocated to basic agencies like education, itong labor, itong agriculture at other services,” ani Lagman sa panayam sa kanya ng TeleRadyo Serbisyo ngayong araw, Setyembre 30.
Matatandaang napagkasunduang bawiin sa ilang ahensya ng gobyerno, kabilang na ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ang CIF na ipagkakaloob sana sa mga ito, sa ilalim ng 2024 Proposed National Budget matapos na kuyugin ng batikos mula sa mga kritiko, ang pagbibigay sa mga tanggapan ng pamahalaan na wala namang kinalaman sa intelligence at national security.
Nauna na ring inanunsyo na ilalaan ang binawing pondo mula sa OVP at DepEd sa pagpapatatag ng intelligence and surveillance capability ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), na nakatutok ngayon sa kalagayan ng WPS.
Ayon kay Lagman, maaaring ilaan ang bahagi ng binawing CIF sa pagpapatayo ng karagdagang silid-aralan at maging sa Assistance to Individuals in Crisis Situations program ng Department of Social Welfare and Development at emergency employment program ng Department of Labor and Employment.
“Sa Department of Health, dagdagan natin yung medical assistance program,” dagdag ng mambabatas.