Inirekomenda ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang pagpapataw ng 59-araw na suspension laban sa 20 pulis na sangkot sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar sa Navotas City.
Paliwanag ni PNP-IAS Inspector General Atty, Alfegar Triambulo, kabilang sa mga pinatawan ng suspensyon ang mga tauhan ng Navotas Police na nabigong pangalagaan ang crime scene at magsagawa ng ballistic at paraffin tests sa mga pulis na sangkot sa actual operation.
Ang rekomendasyon aniya ay para sa ikalawang batch ng administrative cases na sinampa laban sa mga opisyal ng pulis.
Kasama rin sa suspensyon ang walong pulis na napatunayang guilty sa grave irregularity in the performance of duty and conduct unbecoming of a police officer.
Nauna nang inirekomenda ng IAS ang pagsibak sa serbisyo laban sa mga pulis na agad namang kinatigan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Dalawang opisyal ng pulis na nagsilbing imbestigador ng kaso ang pinatawan ng 30- araw na suspensyon dahil sa pagkukulang ng mga ito sa imbestigasyhon.
Matatandaang si Baltazar , 17-anyos ay napatay noong August 2, 2023 nang pagbabarilin siya ng mga tauhan ng Navotas City Police na tumutugis sa isang suspect sa pamamaril sa Barangay NBBS Kaunlaran.
Ayon sa kaibigan ni Baltazar, sakay sila ng bangka ang naghahanda sanang mangisda nang pababain sila ng mga pulis. T
inangka umano nilang sundin ang mga pulis subalit pinagbabaril sila dahilan upang tumalon sa tubig si Baltazar na sinundan nila ng putok ng baril.
Sa kalaunan, inamin ng mga pulis na ang insidente ay isang kaso ng mistaken identity kasabay ng pagsasabi na bagamat itinuloy nila ang pagpapaputok sa tubig ay wala umano silang balak na patayin si Baltazar.
Ulat ni Baronesa Reyes