Inaasahang makatatanggap ng dagdag na sahod ang lahat ng mga manggagawa sa lahat ng rehiyon sa bansa bago matapos ang 2023, ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma.
Ayon sa kalihim, nakikita na ang “trend” dahil sa sunud-sunod na pag-apruba ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) sa salary adjustments ng mga manggagawa sa agricultural at non-agricultural sectors sa nagdaang mga buwan.
“Nakikita ko po sa direksyon ng kanilang ginagawang proseso baka hindi ho maglilipat taon, lahat po ng mga regions meron na pong adjustments,” ani Laguesma sa interview sa kanya ng DZBB ngayong araw.
Nauna nang nagpatupad ng dagdag-sahod para sa mga manggagawa ang Cagayan Valley, Central Luzon, at Soccsksargen, batay na rin sa apruba sa wage petitions sa naturang mga rehiyon ng National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Ayon pa kay Laguesma, nagpapatuloy ang mga pagdinig sa inihaing wage increase petitions para sa iba pang mga rehiyon at inaasahang mailalabas din ang wage orders kapag naitakda na ang tiyak na halaga ng karagdagang sahod na ibibigay sa mga manggagawa.