Balak ng Estados Unidos na mas palawakin pa ang “multilteral patrol” sa West Philippine Sea, kasama ang Pilipinas at iba pang kaalyadong bansa, para mapaigting ang seguridad sa naturang lugar.
Ani Deputy Assistant Secretary of US Defense for South and Southeast Asia Linsey Ford sa pagdinig sa Kamara, suportado nila hindi lamang ang bilateral approach sa seguridad sa WPS kundi maging ang sama-samang pagbabantay ng mga kaalyadong bansa sa pinagtatalunang teritoryo.
“We’ve been networking the Philippines into many of our alliances much more proactively, it is an essential part of our strategy,” ani Ford.
Pagpapatibay ito sa naunang pahayag ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na nakahanda ang Estados Unidos na makibahagi sa pagpapatrulya sa WPS, kasama ang Pilipinas, Australia at Japan, mga bansang hindi pabor sa ginagawang pam-bubully ng Chinese Coast Guard sa mga sasakyang pandagat na diumano’y “nanghihimasok” sa kanilang teritoryo.
Bago ito, nangako rin si US Coast Guard Vice Admiral Andrew Tiongson na susuportahan nito ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalakas ng maritime capacity and capability nito, para epektibong maipagtanggol ang karapatang pansoberanya nito at mabisang maharap ang sitwasyon sa WPS.