Hinikayat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga mangingisdang Pinoy na ipagpatuloy ang kanilang paghahanap-buhay sa karagatang sakop ng West Philippine Sea (WPS).
Ito ay sa gitna ng umiigting na sitwasyon sa pagitan ng Philipinas at China sa pinag-aagawang teritoryo.
Pangako ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, palalakasin ng ahensya ang pagpapatrolya sa lugar partikular na sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc kung saan nakikipag-patentero ang mga barko ng China sa mga bangka ng mangingisdang Pinoy.
“We’re going to increase patrols in Bajo de Masinloc and other areas where Filipino fishermen are,” pahayag ni Tarriela. Matatandaan na nitong Lunes ay pinutol ng mga tauhan ng PCG ang floating barrier na iniligay ng China sa palibot ng bajo de masinloc upang pigilan ang mga mangingisdang Pinoy na makapasok sa lugar.
Dahil sa matapang na hakbang ng Pilipinas , pinayuhan ng Foreign Ministry ng China ang bansa na iwasan ang pagiging provocative upang maiwasan ang gulo.
Sinagot naman ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang pahayag ng China at iginiit na ang pag-aalis ng ikinabit ng boya sa paligid ng scarborough shoul ay hindi ‘provocation’ kundi reaksyon lamang sa naunang hakbang ng China.
“We are reacting to their action. They moved first, they blocked our fishers.” giit ni Teodoro. Iginiit pa ni Teodoro na ang scarborough shoal ay traditional fishing ground ng mga mangingisdang Pinoy at dito nanggagaling ang kanilang ikinabubuhay. If it triggers something from China, it is just proving that it really has total disregard for maritime safety,” pahayag pa ni Teodoro.
Ulat ni Baronesa Reyes