Nilinaw ng isang weather specialist ng PAGASA na ang nararanasang smog sa CALABARZON at Metro Manila ay bunsod ng “thermal inversion” na hindi dapat lang isisi sa pagbuga ng usok ng Bulkang Mayon.


Ipinaliwanag ni Rhea Torres, weather specialist ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na ang nararanasang maitim na kalangitan, lalo na tuwing umaga, ay bunsod ng tinatawag na “thermal inversion” kung saan naiipit ang mga air particles sa pagitan ng malamig na temperatura sa kalupaan at mainit na hangin sa himpapawid.

“Ang nangyayari hindi makabuwelo o hindi makaakyat ng maayos ang mga particles sa atmosphere. Ang nangyari nata-trap po sila malapit sa surface,” ayon kay Torres sa panayam ng DZBB.

Aniya ang thermal inversion ay kasalukuyang nararanasan sa CALABARZON at buong Metro Manila na nagbunsod sa pagkansela ng klase sa mga paaralan, lalo na sa Batangas at Cavite area.

Sinabi pa ni Torres na ito ay epekto ng pa rin ng hanging habagat at pagpasok ng panahon ng amihan.
Dinagdag pa ng weather specialist na posibleng mawala na “thermal inversion” kung gaganda na ang lagay ng panahon sa mga susunod na araw.