Dahil masama sa kalusugan ang makalanghap ng smog o usok na ibinubuga ng Bulkang Taal, sinuspinde ng gobyerno ang klase sa ilang lugar sa Metro Manila at Calabarzon, ngayong araw, Setyembre 22.

Umabot na sa nakakaalarmang lebel ang usok na ibinubuga ng nag-aalborotong Bulkang Taal kung kaya nagdesisyon ang gobyernong suspendihin na lamang ang pasok sa mga paaralan sa sumusunod na mga lugar:

NCR:

Lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan: Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque, Pasay, San Juan, Caloocan, Marikina (hanggang Setyembre 23, Sabado), Valenzuela, Manila, at Pasig

CAVITE:

Lahat ng antas, mapapribado man o pampublikong eskuwelahan: Magallanes, Kawit, Ternate, Silang, Alfonso, Gen. Emilio Aguinaldo (Bailen), Gen. Trias, Mendez, Naic, Imus, Cavite City, Noveleta, Trece Martires, Maragondon, Tagaytay City, Dasmariñas City, Tanza, Rosario, Indang, Bacoor City, Gen. Mariano Alvarez, Carmona, Amadeo

LAGUNA:

Lahat ng antas, pribado at pampublikong paaralan: San Pedro, Biñan City, Cabuyao City, Calamba City, Santa Rosa City

BATANGAS:

Balik module muna ang mga estudyante ng Barigon Elementary School (ES), Mahabang Gulod ES, Bilibinwang ES, Banyaga ES, Banyaga National High School sa Lemery

Samantalang suspendido ang klase sa lahat ng antas sa Agoncillo, Balayan, Calatagan, Lian, Nasugbu, Tanauan City, San Nicolas, Balete, Tuy, Calaca, at Taal.

Ayon sa Philippine Institute for Volcanology and Seismology (Phivolcs) bawal makalanghap ng smog dahil napakadelikado ang mga taong may hika (asthma), may sakit sa baga, puso at maging ang senior citizens, buntis at mga bata.

Ipinapayong magsuot ng mask sa tuwing lalabas ng bahay sa nabanggit na mga lugar.