Hanggang alas-3 lang ng hapon ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa ilalim ng Malacañang sa Setyembre 25, ayon sa Memorandum Circular No. 32 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin, para bigyang-daan ang “Kainang Pamilya, Mahalaga” na bahagi ng Family Week.

Ayon sa memorandum, layunin ng pagpapauwi nang maaga sa empleyado, ay para makasama nila ang kanilang mga pamilya sa pagdiriwang ng “Kainang Pamilya, Mahalaga,” kung saan binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagsasama-sama sa mesa ng mga miyembro ng pamilya upang magbonding.

Gayonman, buong araw pa rin ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa ilalim ng Executive Department na nagbibibigay serbisyo sa panahon ng kalamidad at emergency.

Hinikayat din ni Bersamin sa memoramdun ang lahat ng empleyado na makiisa at makilahok sa lahat ng aktibidad kaugnay ng Family Week, na inorganisa ng National Committee on the Filipino Family.