Dahil sa nagtataasang bilihin gaya ng pagkain at gasolina, minarapat ng Pilipinas Today na biyayaan ng maagang pamasko ang 15 delivery drivers mula sa iba’t ibang delivery apps.
Maaga ang naging aginaldo ng 15 delivery riders mula Grab, Angkas, Lalamove, at Joyride ngayong araw, Setyembre 21, nang makatanggap ng sari-saring goods at mabayaran ang kanilang delivery fee.
Ang aktibidad na ito ay bilang pagpupugay ng Pilipinas Today sa walang pagod nilang pagseserbisyo sa mga Pilipino.
Ayon kay Lissa Delos Santos, administrative officer ng Pilipinas Today, naisip nila ang maagang pamaskong handog sa mga riders upang makatulong, kahit paano, sa kanilang pangangailangan sa bahay.
Groceries, bigas at Pilipinas Today t-shirt ang laman ng “PT loot bag” na ipinamigay sa mga riders.
Samantala, hindi lang ito ang una’t huling pamimigay ng ayuda sa “bayani ng kalsada” dahil may balak pa ang Pilipinas Today na mamudmod ng kaunting regalo sa mga riders sa darating kapaskuhan.