Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang Office of Transportation Security (OTS) na agad na kasuhan ang isang lady security screening personnel na tumangay ng pera ng isang foreigner subalit nilunok umano ito bago magkabukingan.
Ito ay matapos umani ng batikos ang Department of Transportation (DOTr) sa misteryosong pagkawala ng $300 mula sa bag ng isang Chinese passenger sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Setyembre 8.
Partikular na inatasan ni DOTr Secretary Jaime Bautista si Undersecretary for Legal Atty. Reiner Yebra na tumulong sa paghahain ng reklamo laban sa airport security screening personnel na sinasabing lumunok ng $300 upang maitago nito sa CCTV.
At base sa CCTV footage, pilit na hinihimas pa ng security personnel ang kanyang dibdib habang umiinom ng tubig matapos umano lunukin ang US dollar bills.
“Noong ma-report yung unang insidente ng nakawan sa security screening checkpoint, hindi tayo nagdalawang isip tanggalin sa ating hanay, at sampahan ng kaso yung mga anay na sumisira sa imahe ng gobyerno. Tayo mismo, ipinakulong natin ‘yung sarili nating tao. We even reported them to the public para huwag pamarisan ng iba,” pahayag ni OTS Administrator Mao Aplasca.
Iniutos rin natin yung removal ng jackets at ng bulsa ng kanilang uniform, as a preventive measure para maiwasan yung nakawan, pero it seems na mayroon pang iilan na natitirang hindi gumagawa ng maganda,” dagdag ni Aplasca.