Kayang-kayang maabot ng IT-BPM industry ang target nitong makalikha ng 1.7 milyong full-time employees sa pagtatapos ng 2023.

Ayon kay IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP) President Jack Madrid noong Miyerkules, Setyembre 20, kahit na “more demanding” ang requirements sa mga nagnanais na magtrabaho sa industriya, maaabot pa rin ng IT-BPM sector na makapag-empleyo ng 1.7 milyong full-time employees (FTEs) sa pagtatapos nitong taon.

“We started with 2023 with 1.57 million and I would say that we are on track to touch 1.7 million by the end of 2023,” ani Madrid sa isang television interview.

Batay sa IT-BPM Roadmap 2028, puntirya ng industriya na makapagbigay ng trabaho sa 2.5 milyong full-time employees.

Gayonman, aminado si Madrid na may isyu ng “demand-supply talent gap” na kinahaharap ang industriya, dahil sa 800,000 estudyanteng nagtatapos sa kolehiyo, nananatili pa ring may gap pagdating sa skillset ng mga ito bunsod na rin sa nagbabagong mukha ng IT-BPM industry sa bansa.