(Photo Courtesy of OCD PIO)
Nasa 17,000 katao ang apektado sa pagragasa ng Super Typhoon ‘Egay,’ na lalong pinatindi ng habagat.
Aabot sa 4,554 na pamilya, o 16,888 katao, ang naapektuhan sa pananalasa ng Super Typhoon Egay at hanging habagat sa 28 barangay sa Ilocos, Calabarzon, Bicol, Western Visayas at Northern Mindanao, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes ng umaga, Hulyo 25.
Sa nasabing bilang, 38 katao, o 16 na pamilya, ang pansamantalang nanunuluyan sa tatlong evacuation centers, habang 62 katao, o 12 pamilya, ang nasa labas ng evacuation centers.
Samantala, isang tao sa Western Visayas ang naiulat na nasugatan dahil sa aksidenteng dulot ng bagyo.
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng walong landslides, limang soil erosion, at apat na insidente ng pagbaha.
Nawalan din ng kuryente ang ilang lugar sa Bicol at nagkaproblema sa supply ng tubig, habang anim na domestic flights sa Ilocos, Bicol, at Metro Manila ang kanselado.
Nasa 70 pantalan din ang nagsuspinde ng operasyon sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas.
Sa ngayon, nasa 4,743 pasahero, 644 rolling cargoes, at 22 sasakyang pandagat ang na-stranded habang walong bahay ang napinsala, pito sa mga ito ang partially at isa ang totally damaged.
Nasa P1.5 milyon halaga rin ng imprastruktura ang napinsala sa Western Visayas, habang 128 klase at 87 work schedules ang sinuspinde, ayon pa rin sa NDRRMC.
Umabot na rin sa P305,000 halaga ng tulong ang naipamigay sa mga apektadong pamilya.
—Baronesa Reyes