(Photo Courtesy of OCD PIO)
Aabot sa 6,784 na barangay sa iba’t ibang panig ng bansa ang maaapektuhan ng bagyong ‘Egay.’
Sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) spokesperson Director Edgar Posadas na ang mga apektadong barangay ay mula sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Central Visayas, Western Visayas, at Eastern Visayas.
Aniya sa NCR pa lang, mayroon ng 1,421 barangay ang maaapektuhan ng bagyo.
Paliwanag ni Posadas, hindi man tahasang tatamaan ang Metro Manila, mas makabubuti pa rin na mag-ingat ang publiko.
“Although hindi naman directly hit, [mahi-hit] ang Metro Manila, pero dahil sa dami rin ng tao rito at saka ‘yung posibleng pag-ulan, ay mabuti na nandun tayo sa pagiingat tayo at kung kailangan ng preemptive evacuation, we encourage that,” pahayag ni Posadas.
Kasama ang Metro Manila sa mga lugar na nasa signal tropical cyclone warning signal number 1.
Sinabi rin ni Posadas na sa ngayon ay may natatanggap silang ulat mula sa Western Visayas kaugnay ng mga insidente ng landslides at rockslides subalit bineberipika pa raw nila ang mga ito hanggang sa kasalukuyan.
“May mangilan-ngilan na nai-report dito sa Western Visayas, pero kino-confirm pa natin ‘yun dahil may mga landslides and rockslides na na-report. Reports are still coming in right now,” dagdag ng opisyal.
—Baronesa Reyes