Dumarami ang mga Pinoy na kinosidera ang kanilang sarili na “mahirap” sa second quarter ng 2023, ayon sa resulta ng Tugon ng Masa (TNM) survey ng OCTA Research kamakailan.
Napag-alaman sa survey na isinapubliko ngayong Martes, Setyembre 19, na isinagawa mula Hulyo 22 hanggang 26, humigit-kumulang 50 porsiyento o tinatayang 13.2 milyong pamilyang Pilipino ang itinuturing ang kanilang sarili na “mahirap” kumpara sa tinatayang 11.3 milyong pamilya na naitala noong Marso 2023.
Ang pagtatantya ay batay sa kabuuang bilang ng mga kabahayan sa 2020 Census of Population and Housing.
“This is an additional 1.9 million Filipino families who now consider themselves poor or “new poor” compared to the First Quarter TNM Survey conducted last March 2023,” ayon sa Octa survey.
Idinagdag nito na ang pagtaas sa bilang ng mga self-rated poor families ay pangunahin dahil sa significant increase sa Visayas (mula 37 porsiyento hanggang 57 porsiyento) at Mindanao (45 porsiyento hanggang 59 porsiyento).
Sinabi pa nito kung ikukumpara sa iba pang malalaking lugar ang Mindanao ang may pinakamataas na porsiyento ng mga adult Pinoy na itinuturing na “mahirap” ang kanilang pamilya.
Karamihan o 60 porsiyento ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ay nag-iisip din na ang kahirapan sa bansa ay hindi nagbago kumpara sa dati.
Ang survey ay may ±3 porsiyento na margin ng error sa 95 porsiyento na antas ng kumpiyansa. Nasa 1,200 respondent na nasa hustong gulang ang tumugon sa survey.