Binalaan ng Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko laban sa panibagong modus ng mga scammer gamit ang hindi rehistradong sim card upang makapambiktima sa gitna ng pagpapatupad ng SIM registration law sa bansa.
Ayon kay PNP-ACG chief P/Brig. Gen. Sydney Sultan Hernia, bagamat kapuri-puri ang 50 porsiyentong pagbaba ng SIM-related crimes sa bansa sa isang buwang implementasyon ng SIM Registration Law ay dapat aniyang tandaan ng publiko na hindi rin tumitigil ang mga scammer sa paghahanap ng makabagong paraan upang patuloy na makapambiktima.
Sa tala kasi ng PNP mula 2,318 bilang ng SIM card –related crimes ay bumaba ito sa 1,134 kaso o 50 porsiyento matapos ipatupad ang bagong batas.
Sinabi ng opisyal na hindi nagpapahinga ang mga scammer at patuloy na lumilikha ng bagong pakana upang madaig ang sistema.
Ibinunyag ng opisyal ang bagong modus ng mga scammer gamit ang mga hindi rehistradong SIM Card.
Aniya, bumibili ang mga scammer ngayon ng mga sariwang hindi-rehistradong SIM card na walang intensyong iparehistro ang mga ito. Paliwanag ni Hernia, ang naturang mga SIM card ay walang outgoing call and text habang hindi rehistrado, pero pwedeng tumanggap ng call at text.
Ginagamit aniya ito ng mga scammer sa pagkuha ng mga one-time-pin (OTP) para sa pagbubukas ng account sa mga popular na social messaging app tulad ng WhatsApp, Telegram, at Viber. Ito aniyang mga account na ito ang ginagamit ng mga scammer sa pagpapadala ng spam messages, links, at iba pang scam sa mga biktima.
Sa pamamagitan aniya ng ganitong “over the top” (OTT) messaging ay nalulusutan ng mga scammer ang mga telecom companies, at nagagawa pa rin nila na manatiling “anonymous,” sa kabila ng SIM Registration Law.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng opisyal na patuloy nilang lalabanan ang mga scammer at puproteksyunan ang publiko.
“We are tirelessly working to investigate and combat these evolving scams, and we deeply appreciate the public’s cooperation in this endeavor. Staying informed and vigilant allows us to collectively shield ourselves and our communities from falling prey to scammers,” pahayag ni Hernia.
Ulat ni Baronesa Reyes