Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na plano ng gobyernong magpatupad ng fishing ban para mabigyan ng pagkakataon na dumami ang isda sa ilang karagatan sa bansa.
“Kung minsan kailangan ‘wag uubusin yung isda para sa next season mayroon pa. Kaya yun yung tintingnan natin ngayon,” paliwanag ni Marcos.
“At may mga lugar na hindi dapat gawin palaisdaan dahil ito nga ay para sa breeding,” dagdag niya.
Aniya, ang naturang hakbang ay bahagi ng plano ng gobyerno protektahan ang supply ng isda para mapangalagaan ang food security ng bansa.
“Kaya’t kasama sa ating development plan ang mga fisheries dahil nang bumaba ang dalawang bagay: bumababa ang ating nahuhuli, ng ating mga mangingisda dahil nasira na ‘yung mga kung saan pinalalaki ang mga isda,” giit niya.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na kasama sa plano ang pagpapatayo ng mga cold storage upang mapanatiling sariwa ang mga isdang nahuli dahil halos 30 porsiyento sa mga ito ang nasisira o kaya’y nabubulok bago pa man umabot sa mga pamilihan.
“Walang cold storage. Kaya nagtatayo tayo ng cold storage. Doon naman sa mga maliliit na bagsakan ay magbibigay tayo ng gawaan ng yelo, para ‘yung yelo na ‘yan, ‘yun ‘yung ilalagay nila sa bangka para pag may nahuli sila, ilalagay lang doon sa yelo at hindi masira ‘yung isda,” ani Marcos.