Iginiit ni Sen. Raffy Tulfo ang regularisasyon ng mga manggagawa sa state-owned television channel na PTV-4, kasabay ng pagsuporta ng mambabatas sa pagpapasa ng ₱1.79 bilyong budget ng Philippine Communications Office (PCO) at mga ahensiyang nasa ilalim nito para sa 2024.
Bigay-diin ng senador, mahalaga ang ginagampanang papel ng istasyon para sa pagpapalaganap ng kampanya at programa ng gobyerno subalit hindi umano nito magagampanan nang husto ang papel nito kung hindi sapat ang budget ng PCO at hindi rin permanente at sumasahod nang maayos ang mga empleyado nito.
Ayon kay Tulfo, nasaksihan niya mismo ang miserableng kalagayan ng mga empleyado ng PTV-4 nang maging anchor siya sa naturang istasyon.
“Kontraktuwal sila,” ani Tulfo. “At kung kontraktuwal ka, maaari kang masisante anumang oras dahil wala kang security of tenure,” ayon pa sa senador.
Samantala, sa naging pagdinig ng Senado sa isinusulong na Media Workers Welfare Act, binanggit din ni Tulfo na dapat na mas maparami ang “plantilla” o permanenteng posisyon sa mga istasyon ng radyo at telebisyon ng gobyerno.