Nakita ng isang airport security guard na si Mahmud Mastul ang isang unattended baggage
na naglalaman ng mga alahas at cash na aabot sa mahigit P1.9 milyon ang halaga habang nagdu-duty round sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Sa pahayag mula sa Manila International Airport Authority (MIAA) nitong Hulyo 21, napansin ng airport security na si Mahmud Mastul, 34-anyos, ang isang maleta sa arrival greeter’s area at agad na humingi ng tulong sa Manila International Airport Authority (MIAA) Police at Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group upang maipatupad ang mga kinakailangang procedure.
Isinuko sa MIAA Lost and Found Section ang naturang maleta. Matapos maimbestigahan ang mga gamit sa loob ng maleta, nakipag-ugnayan ang MIAA sa may-ari na si Miguel Carpio, na bumalik sa paliparan upang kunin ang kanyang mga gamit.
Ayon kay Mastul, ito raw ang unang pagkakataon, sa pitong taong serbisyo niya sa paliparan, na sinubok ang kanyang katapatan.
“Kung hindi naman sa iyo, malaki man o maliit na bagay, kailangan mo i-surrender kasi hindi naman sa iyo ‘yung gamit na ‘yon. Hindi mo dapat pag-interesan ang hindi sa iyo. Kailangan isasauli sa tunay na may-ari ang gamit na ‘yon,” sabi ni Mastul.
“Ang mahalaga lang sa ‘kin ay maisauli ko ang kumpletong gamit na walang kulang. Kumpletong-kumpleto lahat ng gamit. ‘Yun lang po,” dagdag pa niya.
Samantala, pinuri naman ni MIAA Officer-in-Charge Bryan Co ang katapatang ipinakita ni Mastul.
“Mr. Mastul’s display of honesty by promplty reporting the incident not only sets a good example to his colleagues but also proves that our efforts to promote integrity and professionalism among airport workers is gaining ground from all levels of service,” ayon kay Co.