Mahigit sa 300 pamilya ang nawalan ng tahanan dahil sa sunog na tumagal ng apat na oras sa Barangay Arena Blanco, Zamboanga City, nitong Lunes, Setyembre 18.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang sunog ay nagsimula dakong 8:39 ng umaga sa residential area sa Campung Landag at Sibictul sa nasabing barangay.
Tumagal ng apat na oras ang sunog na umabot sa ikatlong alarma at idineklarang fire out dakong 12:55 ng tanghali.
Sa inisyal na ulat, nasa 100 kabahayan ang tinupok ng apoy sa Campung Landang at Sibictul. Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang profiling ng City Social Welfare and Development Office upang matiyak kung ilang tao ang nawalan ng tirahan sa sunog at mabigyan agad ng tulong.
Inatasan na rin ni Mayor John Dalipe ang kanyang mga tauhan na agad na tulungan ang mga naapektuhang pamilya. Wala namang naiulat na nasugatan sa sunog habang tinatayang nasa P1.25 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang malaman ang dahilan ng sunog.
Ulat ni Baronesa Reyes