Naghain ng petisyon sa Korte Suprema sina Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, Bayan Muna partylist chairman at former Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, at dating kinatawan ng Bayan Muna na si Carlos Zarate para hilingin na ideklarang “unconstitutional” ang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ayon sa mga petitioner, masyadong minadali at binalewala ang tamang legislative process para ipasa ang kontrobersiyal na MIF.
“Republic Act 11954, or the Maharlika Investment Fund Act of 2023, is a dangerous law. It entrusts hundreds of billions in public funds to unknown fund managers and an amorphous nine-member Board of Directors, six of whom remain unidentified until now,” ayon sa 59-pahinang petisyon na inihain sa Korte Suprema.
“Premises considered, the Maharlika Investment Fund Act of 2023, therefore, requires intense congressional scrutiny, genuine consultation with stakeholders, and a careful study by independent economic experts… Both Houses of Congress, however, went on the opposite direction and rushed the Maharlika bills and short-circuited the constitutionally mandated legislative processes, through an unnecessary and constitutionally infirm presidential certification of urgency,” ayon pa sa petisyon.
Hiniling ng mga petitioners na maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) o Preliminary Injunction o Status Quo Ante Order para pigilin ang pagpapatupad ng Republic Act Number 11954, ang batas na lumikha sa kontrobersiyal na MIF.
Bukod dito, sinabi rin ng mga petitioner na magtakda ang Kataas-taasang Hukuman ng petsa para sa oral arguments para sa MIF.
Matatandaang “pinaspasan” ng Kongreso ang pagpapasa ng nirebisang batas hinggil sa naturang sovereign wealth fund noong isang taon, matapos i-certify ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang “urgent bill.”
Nobyembre 28 nang isumite sa Kamara ang orihinal na bersiyon ng naturang batas at agad ding inaprubahan noong Disyembre, bago magtapos ang sesyon ng Kongreso kaugnay ng Kapaskuhan.