Asahan nang magiging bahagyang maulap ang papawirin sa ilang bahagi ng Luzon at magkakaroon ng panaka-nakang pag-ulan ngayong Sabado, Setyembre 16, dahil sa Habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa weather bulletin na inilabas ng PAGASA alas-4 ng madaling-araw, sinabi ng PAGASA na ang Habagat na nakaaapekto sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon at Visayas ay magdudulot ng maulap na papawirin at kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat sa Palawan.
Samantala, magiging bahagyang maulap naman na may bahagyang pag-ulan o pagkulog at pagkidlat ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, dahil pa rin sa Habagat.
Mahina hanggang sa katamtamang lakas ng hangin ang iihip sa karagatan ng Pilipinas kung kaya magiging bahagya o may katamtamang pag-alon sa lahat ng bahagi ng bansa, ayon pa sa PAGASA.