Patay si Atty. Maria Saniata Liliwa Gonzales-Alzate matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sakay ng kotse sa tapat ng kanilang bahay sa Bangued, Abra, dakong ala-5 ng hapon nitong Huwebes, Setyembre 14.
Base sa CCTV footage, isang lalaki ang una ng lumapit sa driver side ng kotse at pinaputukan ang abogada saka ito tumakbo papalayo. Matapos ang ilang sandali. dumating naman ang kasamahan nitong nakamotorsiklo at muling pinagbabaril ang biktima bago sila tuluyang naglaho.
Naisugod pa sa isang ospital ang abogada kung saan ito nalagutan ng hininga .
Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang Abra PNP para tugisin ang hindi pa nakikilalang salarin.
Ang biktima ay asawa ni Raphael Alzate, ang sinibak na huwes ng Regional Trial Court (RTC) Branch 24 sa Cabugao, Ilocos Sur, at RTC Branch 58 ng Abucay, Abra.
Samantala, kinondena naman ng International Association of Democratic Lawyers (IADL) ang anila’y “culture of impunity” kaugnay sa pagkakapaslang kay Alzate at iba pang mga abogado sa bansa.
Sa pahayag ng human rights lawyer at IADL transitional president Edre Olalia, sinabi nitong hindi mangyayari ang naturang krimen kung may ginagawang aksiyon ang gobyerno para matigil ang pamamaslang sa mga abogado sa Pilipinas.
“Whatever the motive and whoever are the assailants and masterminds, this merciless murder of a young, principled, and idealistic lawyer is enabled by impunity,” ani Olalia.
Sinabihan din ni Olalia na “ningas kugon” ang mga awtoridad pagdating sa pagresolba sa ganitong mga kaso.
“That it happened again against those who push the tide against injustice speaks volumes on the incompetence, negligence, and even complicity of governmental institutions ironically overpopulated by her fellow lawyers,” ayon pa kay Olalia.
May ulat si Noel Sales Barcelona