Sinimulan kahapon, Setyembre 13, ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng Fuel Subsidy sa ilalim ng Pantawid Pasada Program para sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan sa buong bansa.

Ito ay bilang tulong ng gobyerno sa gitna ng patuloy na taas-presyo sa mga produktong petrolyo na kinahaharap ng mga stakeholder ng sektor ng transportasyon, ayon kay LTFRB head for technical division Joel Bolano.

Batay sa anunsiyon ng LTFRB, kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo na maaaring makatanggap ng naturang subsidiya ay ang mga sumusunod:

• Modernized Public Utility Jeepney (MPUJ)

• Modernized Utility Vehicle Express (MUVE)

• Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ)

• Traditional Utility Vehicle Express (TUVE)

• Public Utility Buses (PUB)

• Mini-buses (MB)

• Taxis

• Shuttle Transport Services (SHT)

• Transport Network Vehicle Services (TNVS)

• Tourist Transport Services (TTS)

• School Transport Services (STS)

• Filcabs

• Delivery Services

• Tricycles

Sinabi ng ahensiya na kung isa kang operator ng mga nabanggit na pampublikong sasakyan at mayroong bisa ang iyong Certificate of Public Convenience (CPC) o Provisional Authority (PA), maaari kang makatanggap ng naturang subsidiya sa pamamagitan ng alinman sa mga sumusunod:

• Existing at Valid na Pantawid Pasada Program (PPP) Card; o

• Existing at Valid na Fuel Subsidy (FS) Card; o

• Bank Account

Kung ikaw naman ay kwalipikadong benepisyaryo at nais mo pa lamang kumuha ng mga nabanggit na PPP o FS Card, maaari kang makipag-ugnayan sa iyong LTFRB Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO) upang malaman kung maaari nang makuha ang iyong PPP o FS Card.