Naungusan na ng Pilipinas ang China bilang numero unong nag-aangkat ng bigas sa buong mundo, ayon sa United States Department of Agriculture (USDA).
Sa ulat ng USDA na may titulong “Grain: World Markets and Trade,” ibinunyag nitong naaprubahan na ng gobyerno ng Pilipinas ang pag-angkat ng 3.9 milyong metriko toneladang (MT) bigas mula Enero 2022 hanggang Disyembre 2023.
Dahil dito, nalampasan na ng bansa ang People’s Republic of China (PRC) na mag-aangkat ng 3.5 milyong MT na bigas sa pareho ring panahon, ayon sa ulat ng USDA. Ang China ang pinakamalakas mag-angkat ng bigas sa buong mundo mula 2019.
Sinabi rin sa naturang ulat na bahagyang bumagal ang bilis ng pag-aangkat ng bigas ng bansa dahil sa paghihintay nito ng mas mababang presyo.
Ayon sa USDA, bababa ng 100,000 MT ang aangkating bigas ng Pilipinas mula Enero 2023 hanggang Agosto 2024, samantalang tumaas naman ng 500,000 MT ang aangkatin ng China.
Dagdag ng USDA, pagdating naman sa milled rice production, nahuhuli ang Pilipinas ng 12.631 milyong MT sa China na may 145.946 milyong MT produksiyon ng milled rice at India na may 136.000 milyong MT produksyon para sa taong 2022 – 2023.