Dahil naiinip na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagkakaantala ng plastic national ID, aapurahin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Philippine Statistics Authority (PSA) ang paglalabas ng digital ID cards bago magtapos ang 2023.
Sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy, na alinsunod sa utos ng Pangulo, lumikha ng bagong plano ang ahensiya para mapabilis ang pagiimprenta ng digital copies ng Philippine IDs (PhilIDs).
Subalit iginiit ng kalihim na kailangang magkaroon muna ang DICT ng access sa database ng PSA na siyang kumukuha ng biometrics at iba pang personal na impormasyon ng mga indibidwal na nag-a-apply para sa national ID.
“A lot of delays have already happened and our countrymen are already complaining that up to this date they have not received their national ID,” paliwanag ni Uy. “The President has already expressed his impatience.”
Pangako ng DICT, bago matapos ang 2023 ay mauumpisahan na nila ang roll out ng bagong batch ng digital national ID.
Samantala, ayon naman sa PSA, nasa 43 milyong PhilID cards ang naipamahagi na ng ahensiya hanggang noong Agosto 4, 2023.