Maglalaan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng 17 military vehicle para tulungan ang mga pasaherong maii-stranded dahil sa ikinasang transport strike, na nagsimula ngayong Lunes, Hulyo 24.
Sinabi ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar, ang hakbang ay isinagawa bilang suporta sa Department of Transportation (DOTr) at Metro Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang kampanya upang mabawasan ang perhuwisyong dulot ng tigil-pasada sa publiko.
Magmumula sa AFP Major Services at AFP Logistics Command ang 17 sasakyan na kinabibilangan ng mga trucks, busses at coasters.
“In support to the Department of Transportation (DOTr) and Metro Manila Development Authority (MMDA), the Armed Forces of the Philippines will be providing 17 military trucks, buses, and coasters from the AFP Major Services and AFP Logistics Command to assist commuters who may be affected by the transport strike on July 24 and the following days,” pahayag ni Aguilar.
“They are in their respective headquarters until they are given service routes determined by the DOTr and the MMDA. The military vehicles will be deployed when called upon by the Interagency Coordinating Center,” paliwanag ni Aguilar.
Ang mga sasakyang ito, aniya, ay gagamitin para sa “Libreng Sakay“ program na pangangasiwaan ng Joint Task Force-National Capital Region.
Samantala, bahagi rin ang libreng sakay ng pamamaraan ng AFP upang masigurong mapayapa at maayos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Lunes, Hulyo 24.
Nauna rito, inilabas ang Memorandum Circular (MC) 25 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Hulyo 21, na nagsuspinde sa klase sa lahat ng antas at ng trabaho sa gobyerno sa National Capital Region dahil na rin sa nakaambang pananalasa ng bagyong ‘Egay’ at banta ng 72-oras na transport strike.
—Baronesa Reyes