Hinarang ng mga pulis ang mga raliyistang lalahok sa “People’s SONA” sa bahagi ng Tandang Sora, sa Commonwealth Avenue, Quezon City, kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Lunes, Hulyo 24.

Mula Commonwealth Technohub, nagmartsa ang mga raliyista hanggang Tandang Sora subalit napigilan sila ng barikada ng mga pulis.

Balak sana ng mga demonstrador, na binubuo ng iba’t ibang sektor, na tumuloy patungong Batasang Pambansa para roon magprotesta.

Dahil dito, sa bahagi na lamang ng Tandang Sora itinuloy ng mga raliyista ang kanilang programa.

Bahagi ng People’s SONA ang grupo ng mga guro, magsasaka, manggagawa, mangingisda, kabataan, at iba pang mga sektor.

Dumalo at nagsalita sa naturang rally si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, gayundin ang ibang mga lider na kumakatawan sa nabanggit na mga sektor.

Anang grupo, ang kanilang isinagawang People’s SONA ang tunay na SONA at hindi ang magaganap sa loob ng Kamara

Hindi natinag ng matinding sikat ng araw ang mga dumalo sa protesta at nagpahinga na lamang sa tabing-daan.

—Jake Cruz