Matapos na makalusot ang larawan ng isang “unggoy” sa SIM card registration, iminungkahi ni Sen. Grace Poe ang live selfie para masiguradong totoong tao ang nagpaparehistro ng SIM.

“Kahit nandyan na ang SIM Registration law, hindi nawala ang scammers. Kaya pakiusap ko na isama na ang live selfie sa requirement ng registration,” apela ni Poe sa mga ahensiya ng gobyerno at telcommunication companies na namamahala sa SIM card registration.

“We have seen that fake government IDs can get through the telcos’ system. The selfies will be an added line of defense in the SIM verification process,” ayon pa sa senador.

Ayon sa mga ulat, nagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) na makapagrehistro ng SIM gamit ang larawan ng isang unggoy at isang government ID.

Samantala, nagbabala naman ang National Telecommunications Commission (NTC) sa mga indibidwal na maglalagay ng pekeng impormasyon para makapagrehistro ng kanilang SIM cards na maaari silang pagmultahin at makulong dahil sa pamemeke ng imporasyon sa SIM card registration.

Agad namang aamyendahan ng NTC ang Implementing Rules and Regulations (IRR) at posibleng ang batas na rin sa SIM card registration para malutas ang ganitong problema.