Hindi bababa sa 800,000 job opportunities para sa mga dayuhang manggagawa ang magbubukas sa Taiwan at ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang priyoridad, ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taipei, Taiwan.
Sa ulat ng “24 Oras” ng GMA News nitong Miyerkules, Setyembre 6, sinabi ni Taiwan Labor Representative Cesar Chavez, Jr. layunin ng Taiwan na kumuha ng mas maraming Pilipino, partikular sa sektor ng serbisyo at hospitality, na palalawakin sa mga susunod na buwan.
Daan libong manggagawa mula sa ibang bansa ang sinasabing target ng mga Taiwanese companies, at kabilang ang mga Pilipino sa mga pinapaboran ng mga ito.
“The target is mga December daw mag a-announce na and something like 800,000 workers,” saad ni Chavez.
Mataas din ang demand para sa Pinoy English teachers, ayon sa MECO. Dahil ang Taiwan ay may hawak na programang bilingual, ang bansa ay naghahanap ng higit pang mga guro sa Ingles.
“‘Yung LET passer na teacher ay averaging 72,000 NT$, so that’s around P130,000 a month. Yung mga non-let passer, 40,000 NT$ so mga P70,000,” ani ni Chavez.
Maaaring maliit na bansa ang Taiwan, ngunit mahigit 150,000 OFW ang naka-deploy doon kung saan ang karamihan ay mga factory worker.
Isa sa mga matagumpay na OFW sa Taiwan ay si Jeffrey Opriasa, na kamakailan ay pinarangalan bilang isa sa mga “model migrant workers” ng bansa.
Nagsimula si Opriasa bilang isang operator sa isang pabrika ng semiconductor, hanggang sa na-promote siya bilang line reader. Isa na siyang head troubleshooter ngayon na nagsasanay hindi lamang sa kapwa Pilipino kundi pati na rin sa mga foreign workers.