Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, idinaos ang isang online storytelling concert sa Philippine School Bahrain (PSB) na inisyatibo ng Philippine Embassy sa Manama at ng Department of Foreign Affairs (DFA), at pakikipagtulungan ng Storyhouse Philippines.
Ang storytelling concert na may pamagat na “Samu’t Saring Hiraya – Imagination Through Filipino Stories” ay isinagawa noong ika-22 ng Agosto 2023.
Sampung mag-aaral mula sa lebel ng Junior High School, mula Grade 7 hanggang Grade 10 ng PSB, ang nakilahok sa aktibidad.
Ang layunin ng storytelling activity ay upang maipamulat sa mga mag-aaral ang mga lumang kuwentong Pinoy na may kaakibat na magandang aral, kasabay ng pagsusulong ng kultura at tradisyon ng mga Pilipino para sa mga kabataang naninirahan sa ibang bansa.
Nagpahayag ng pasasalamat si Ivy Simbala, vice principal ng PSB, sa DFA sa pagpili sa kanilang paaralan at sa pagpapamahala ng online storytelling concert.
Nagpahayag din si Simbala ng kasiyahan at pasasalamat sa DFA at sa Philippine Embassy sa Manama matapos mamulat ang kanilang estudyante sa magagandang folktales ng mga Pinoy.