Sinabi ng isang opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ang maling paggamit ng artificial intelligence ang naging sanhi ng problema sa SIM registration kaya nakalulusot pa rin ang mga text scam.
Ito ang inihayag ni Undersecretary Alexander Ramos ng DICT Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa panayam ng DZBB.
Iginiit ni Ramos na hindi rin masasabing naging palpak ang isinagawang mandatory SIM registration ng National Telecommunications Commission (NTC) at telecommunication companies dahil sa kabila ng ilang glitches sa SIM registration process ay natutukoy pa rin nila ang mga nasa likod ng text scams.
“Nasa re-validation process na tayo ngayon,” sabi ni Ramos.
Aniya, ang naging problema sa SIM registration kung saan nadikubre na gumamit ng larawan ng hayop ang mga text scammers sa SIM registration ay ang maling paggamit sa artificial intelligence o AI.
“Hindi nito nadi-distinguish between a real person and an animal,” sabi ng opisyal tungkol sa ginamit na AI.
Tiniyak naman ni Ramos na may gagawin silang “fine-tuning” sa proseso ng pagrerehistro ng SIM para hindi na sila malusutan ng mga sindikato ng gumagamit ng fake identity.