Tinapyasan ng 11 porsiyento ang pondo na inilaan para sa Philippine Science High School (PSHS) para sa 2024.
Sa pagdinig ng Kamara sa hinihinging ₱25.9 bilyong pondo ng Department of Science and Technology (DOST) para sa susunod na taon, nadiskubre ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na 11 porsiyento ng pondo ng eskuwelahan ang natapyas para sa 2024. Ang DOST ang nangangasiwa sa PSHS bilang attached agency nito.
Ayon sa Executive Director ng Pisay na si Prof. Lilia Habacon, nangangailangan ang PSHS ng dagdag na ₱430 milyon para sa 16 satellite campuses sa buong bansa.
Samantala, bukod sa PSHS, nabiktima rin ng tapyas sa budget ang iba pang kawanihang nakakabit sa DOST – 4.17 porsiyento sa budget ng Advanced Science and Technology Institute; 18.04 porsiyento ang para sa Food and Nutrition Research Institute; at 83.7 porsiyentong bawas sa pondo ng National Research Council of the Philippines.
Sa kabilang banda, tumalon naman sa 125.5 porsiyento ang budget na inilaan para sa Philippine Nuclear Research Institute.